Nakakuha ng cellphone video ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na makikitang nakaposas ang isa sa mga nawawalang sabungero sa Laguna, na kasama ang dalawang lalaki.

Sa pahayag nitong Martes, sinabi ni CIDG chief Police Brigadier General Ronald Lee, na "sikreto" ang pagkakakuha ng video sa cellphone na nangyari sa labas ng isang sabungan sa Santa Cruz, Laguna noong Abril 28, 2021.

Sa video, napapagitnaan ng dalawang lalaki habang naglalakad ang nakaposas na sabungero, na hindi pa rin nakikita hanggang ngayon.

“We now hold vital evidence on our probe in the disappearance of the said sabungeros,” ayon kay Lee, na inaalaman na ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki.

Kinilala ng mga kaanak ang nakaposas na sabungero na si Michael Bautista, na isa 34 na nawawalang sabungero.

Ibinigay din sa PNP Anti-Cybercrime Group ang video para ipa-enhance o mapalinaw pa ang kuha nito para sa ginagawang pagtukoy sa dalawang lalaki.

“Kinakailangan pa rin nating ipa-enhance 'yung video upang ma-establish nating mabuti ang pagkakakilanlan nung mga suspek na hinihinalang mga pulis,” ani Lee.--FRJ, GMA Integrated News