Matapos ang apat na linggong sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, asahan naman ang oil price hike sa susunod na linggo.

Batay sa pagtaya ng local oil industry sources, posible umanong magkaroon ng P1.40 hanggang P1.60 na dagdag-presyo sa bawat litro ng diesel.

Mas maliit naman sa gasolina na maaari umanong umabot lang sa P0.10 hanggang P0.30 per liter ang maging pagtaas sa presyo.

Sa panayam naman ng Super Radyo dzBB ngayong linggo, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, na mayroon silang nakikitang bahagyang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Abad, posibleng hindi umabot ng 50 sentimos ang price hike per liter sa gasolina, at higit P1 per liter naman sa diesel.

Maaari din umanong umabot sa P1 per liter ang madagdag sa presyo ng kerosene.

Ang pagbubukas ng ekonomiya ng China at pagtaas ng demand sa langis ang isa sa mga nakikitang dahilan sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Nitong nakaraang Martes, umabot sa P3.40/L ang natapyas sa presyo ng diesel, P1.70/L sa gasolina, at P4.40/L sa kerosene.--FRJ, GMA Integrated News