Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos umanong bugbugin at molestiyahin ang dati niyang nobya, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, gumawa ng pekeng social media account ang 33-anyos na suspek para maka-order ng pagkain sa biktima na isang online seller. Ilang buwan na raw na hiwalay ang dalawa.

Nang magkita, agad daw kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima.

"Siguro ang intensiyon niya ay para hindi makahingi ng tulong ['yung biktima]," ani Police Captain Glenn Gonzales, shift supervisor ng Galas Police Station.

Niyaya raw ng suspek ang biktima sa kaniyang bahay at humiling na makapag-usap sila.

Nang malaman daw ng suspek na tila nagkakaroon na ng affair sa ibang lalaki ang biktima ay doon na siya nagselos.

"Si ex-boyfriend, sinaktan niya ngayon si victim. Sinuntok niya. Tapos doon na nagsimula 'yung lahat ng pangyayari at nasundan na nga ng panghahalay na ginawa niya doon sa victim," saad ni Gonzales.

Nakatakas ang biktima nang makatulog ang suspek. Nakapagsumbong siya sa barangay kaya agad na naaresto ang suspek.

Nagtamo ang 35-anyos na biktima ng mga pasa sa braso at kamay.

"No comment na lang tayo kasi may batas naman tayo," anang suspek, na nahaharap sa reklamong rape at physical abuse. —KBK, GMA Integrated News