Sa kulungan ang bagsak ng limang Vietnamese matapos nilang ikulong sa kwarto ang kanilang kababayan, at kikilan ito ng P250,000 kapalit ng kaniyang paglaya sa Makati City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nadakip ang mga suspek sa Barangay Bel-Air Miyerkoles ng madaling araw.

Disyembre 22 nang ikulong ng mga suspek sa isang kwarto ang biktima, at hindi siya pinalabas umano kung hindi siya magbabayad.

Dahil dito, nagbayad ang biktima ng P250,000 para makalaya.

Pero ayon sa hepe ng Makati Police na si Police Colonel Edward Madlaeng Cutiyog, hinihingian ng mga suspek ang complainant ng P100,000 para hindi siya muling kunin ng mga ito.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagtatrabaho umano ang biktima bilang human relations officer ng isang kumpanya.

Nakilala niya ang mga suspek sa online chat.

Sinabi ng Makati PNP na posibleng miyembro ng isang gang ang mga suspek na may modus na biktimahin ang mga bagong dating sa bansa.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag pero walang komento ang mga suspek, na nahaharap sa robbery-extortion.

Nakikipag-ugnayan ang Makati Police sa embahada ng Vietnam para alamin kung may mga sariling record ang mga suspek sa sarili nilang bansa. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News