Arestado ang isang lalaki matapos siyang magpanggap na abogado online at tangayan ng P18,000 ang kaniyang biktimang online seller sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Ivan Blake Marquez, na nakilala ng biktima noong Disyembre.

Unang nagbayad ang biktima ng P6,000 sa suspek. Ilang beses pa silang nagkita sa personal kaya nagbayad muli ang biktima ng P5,000, hanggang sa umabot na ito ng P18,000.

Nang i-search sa social media, nadiskubre niyang hindi abogado si Marquez.

"May nakita kaming post na scammer pala siya. Milyon-milyon po ang na-scam niya," ayon sa biktima.

Ikinasa ng pulisya ang isang entrapment operation, kung saan mag-aabot ng P10,000 ang biktima sa suspek.

Mahaharap ang suspek sa reklamong swindling. —LBG, GMA Integrated News