Sugatan ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin at pagpapaluin ng tubo ng tatlong lalaki sa Quezon City. Ang ugat umano ng away, selos dahil ka-live in ng biktima ang babaeng dating karelasyon ng isa sa mga suspek.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, ikinuwento ng 52-anyos na si Sonny Raterta na inabutan niyang nagtatalo ang kaniyang live-in partner at dati nitong kinakasama na si Rico Mayo.

Lasing umano sina Mayo at ang kasamahan nitong dalawang lalaki.

Pinagdiskitahan ng mga suspek ang nakaparadang taxi ng biktima, na kanilang pinagpapalo ng tubo.

Nang komprontahin ng biktima, dito na siya pinagpapalo ng mga suspek, na nngyari sa Barangay Maharlika Martes ng gabi.

Nagpupunta sa lugar si Mayo tuwing malalasing, kahit na 14 taon na siyang hiwalay sa dating ka-live in.

Inihayag ng pulisya na posibleng motibo ang love triangle.

Depensa ni Mayo, una siyang pinalo ng bote sa ulo ni Raterta, kaya maging siya ay nagtamo ng sugat.

Ayon naman sa dalawang kasamahan ng suspek, tinulungan lang nila ang kanilang kaibigan.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong physical injury at malicious mischief. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News