Dead on the spot ang isang tricycle driver matapos siyang barilin sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.

Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Juan Luna Street sa kanto ng Raja Matanda Street, ayon kay Jhomer Apresto ng Super Radyo dzBB.

Kinilala ang biktima na si Rolly Marquez, ayon sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Linggo.

Kuwento ng ilang testigo, nakarinig sila ng dalawang putok ng baril.

Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng Barangay 7 ng Tondo, makikita ang tricycle driver sa daan na sumusunod sa isang jeep. 

Isang lalaking naka-motor ang tumabi sa kanya, bumaba, at pinaputukan ito ng baril.

Natumba ang biktima mula sa sinasakyang tricycle habang dali-daling sumakay muli sa motor ang suspek at agad na lumisan sa lugar.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang nasa likod ng pamamaril.

Ayon kay Manila Police District Station 2 commander Police Lieutenant Colonel Jorge Meneses III, nakita ng mga awtoridad ang ginamit na motor ng suspek sa kanto ng Recto Avenue at Carmen Street.

Nanawagan naman ang asawa ng biktima na si Maribel Marquez na sana sumuko na ang suspek.

“Sana makonsensiya po kayo. Paano na po kami ngayon? Tatlo pa po ang naiwan sa amin, nag-aaral pa po,” aniya.

“Bakit mo ginawa to? Hindi namin ‘to kaya. Wala kang kwentang tao,” saad naman ng anak ng biktima na si Mariel. —KG, GMA Integrated News