Patay ang isang street sweeper sa Taguig City matapos siyang masagasaan ng isang pick-up truck nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Irene Dayana, 45-anyos, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, nakitang may pumaradang isang pickup truck sa harap ng isang bahay sa Barangay Calzada-Tipas.

Sumakay ang isang lalaki sa driver's side ng pickup habang tumatawid naman ang isang street sweeper mula sa kabilang bahagi ng kalye.

Biglang umarangkada ang pickup at nakaladkad at nagulungan ang street sweeper.

Nadala sa ospital ang biktima ngunit dead on arrival na.

Napag-alamang ilang dekada nang nagwawalis sa Taguig City ang biktima.

Nakilala ang driver ng pickup truck na si Xavier Noel Sulit, 27.

Kasalukuyan siyang nasa Traffic Bureau ng Taguig City at nakatakdang sumailalim sa inquest ngayong Lunes.

Ayon sa pamilya ng biktima, magsasampa sila ng kaso laban sa suspek. —KG, GMA Integrated News