Bugbog ang inabot ng isa umanong snatcher sa Quezon City matapos makorner ng taumbayan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nang-snatch umano ng cellphone at wallet ang suspek na si Daryl Ramirez, 34 anyos, mula sa isang babae sa Barangay Tandang Sora.

Dahil nakasakay sa motorsiklo si Ramirez, nakaladkad at nasugatan ang biktima nang tinangka niyang habulin ang suspek. Ilang tao ang nakakita sa insidente at tinulungan ang biktima.

Naaresto si Ramirez nang makita ng mga nagpapatrolyang pulis ang komosyon.

Nakuha mula kay Ramirez ang mga ninakaw umano niyang gamit pati ang ginamit niyang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek sa mga kasong may kinalaman sa droga at ilegal na pagsusugal.

Humingi naman ng tawad ang suspek sa nagawa niya. Mahaharap siya sa reklamong robbery at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. —KBK, GMA Integrated News