Mala-buwis buhay ang stunt ng isang soon-to-be na ama matapos siyang tumalon at sinipa sa ere ang isang bola para sa gender reveal ng kaniyang baby.
Sa ulat ng Saksi, mapapanood sa video ni Teejay Panganiban ang paghahanda niyang tumalon, bago inihagis ng kaniyang misis na si Katrece ang isang bola.
Habang nasa ere, sinipa ni Teejay ang bola, at lumabas ang kulay asul na usok na nangangahulugang baby boy ang kaniyang magiging anak.
Roll spike sa Sepak Takraw ang ginamit na stunt ni Teejay, na isang dating Sepak Takraw athlete at coach na ngayon.
“Siyempre dahil ito po ay minsan lang dumating sa buhay natin itong gender reveal, gusto namin unique eh,” sabi ni Teejay.
Ayon sa mag-asawa, hindi nila alam ang resulta pagkatapos ng ultrasound scan, at ibinigay nila ito sa kapatid ni Katrece para ito na ang mag-organisa ng gender reveal party.
Kaya nasorpresa at napatalon sa tuwa sina Teejay at Katrece sa gender reveal.
Sakto ring ikalawang baby boy result ang lumabas sa araw na iyon dahil buntis din ang kapatid ni Katrece.
“Siyempre hangad naman ng mga magulang, lalo na kami, first time parents, maging healthy ‘yung baby boy namin. Kaya sisiguraduhin namin na maibibigay namin ang lahat sa kaniya,” sabi ni Teejay. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
