Natanggap na at masusing sinusuri ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ng kaniyang team ang P6.793-trilyong pambansang badyet para sa taong piskal na 2026 na pinagtibay ng Kongreso nitong Lunes, ayon kay Executive Secretary Ralph Recto nitong Martes. 

“The Executive Branch received on December 29, 2025 the ratified 2026 General Appropriations Act (GAA) and is now conducting a thorough review to ensure its integrity and effective execution,” sabi ni Recto sa isang pahayag.

“The President and his team are scrutinizing all allocations and provisions to fully account for any changes from the originally submitted National Expenditure Program (NEP),” dagdag niya.

Ayon pa kay Recto, ang sangay ng ehekutibo “will ensure that the 2026 GAA will satisfy not only the legal and technical requirements but, more importantly, the needs of the Filipino people.”

Aabutin ng halos isang linggo para masusi nilang marepaso ang niratipikang badyet, aniya.

“The public is assured that a brief period under a reenacted budget will not disrupt government operations. This deliberate review safeguards fiscal discipline and ensures that taxpayers’ hard-earned money is spent wisely and translated into benefits for the Filipino people,” ani Recto.

Nauna nang sinabi ni Recto sa GMA News Online noong Miyerkoles na pipirmahan ni Marcos ang panukalang batas na nagbabalangkas sa P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 sa unang linggo ng Enero.

Niratipikahan ng Kamara at Senado noong Lunes ang ulat ng Bicameral Conference Committee (Bicam) na nagbabalangkas sa P6.793-trilyong pambansang badyet para sa taong piskal na 2026.

Sa pamamagitan ng voice vote, bumoto ang Kamara para sa ratipikasyon ng ulat ng Bicameral Conference Committee sa isang sesyon ng plenaryo na tumagal nang wala pang dalawang minuto matapos magbukas ang sesyon ng 2 p.m.

Si Iloilo Representative Lorenz Defensor ang naghain ng mosyon para sa ratipikasyon ng ulat ng bicameral panel, na mosyon na sinegunduhan ng kaniyang mga kasamahan sa isang sesyon na pinangunahan ni House Deputy Speaker Kristine Singson Meehan.

Sa panig ng Senado, naghain ng mosyon si Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na aprubahan at pagtibayin ang bicam report tungkol sa mga hindi magkasundong probisyon ng House Bill No. 4058 o ang General Appropriations Bill (GAB), matapos ilahad ng chairman ng Senate Committee on Finance na si Sherwin Gatchalian ang mga pangunahing punto ng panukala.

Inaprubahan ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang mosyon.

Sinabi ng chairperson ng House Appropriations Committee at Kinatawan ng Nueva Ecija na si Mikaela Suansing na ang panukalang pambansang badyet para sa 2026 ay nakabatay sa mga pangangailangan ng mamamayan at walang pinopondohan na anumang proyekto sa flood control, maliban sa dalawang aytem na pinopondohan sa pamamagitan ng mga foreign loans at iba pang multilateral na mga partner.

Binawasan ng niratipikahang bicam panel report ang badyet ng Department of Public Works and Highways mula P880 bilyon, na naging P529 bilyon sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto sa flood control at mga kickback scheme. —Jamil Santos/KG GMA Integrated News