Nagtamo ng limang sugat ang isang 19-anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng isa pang lalaki at kuyugin ng dalawang menor de edad sa Kalayaan, Laguna.

Selos umano ang pinag-ugatan ng kanilang away nang mag-chat pa sa biktima ang nobya ng suspek.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras Weekend, makikita na naglalakad sa kalsada ang isang grupo ng mga kabataan pagkagaling nila sa basketball court noong Setyembre 18.

Ilang saglit lamang, nilapitan ng lalaking kinilalang si Aaron Beltran ang isa pang lalaking may hawak ng bola na si Cedric Bermas.

Sandaling nag-usap ang dalawa, hanggang sa may binunot sa tagiliran si Beltran at pinagsasaksak si Bermas.

Matapos nito, kinuyog naman si Bermas ng dalawang iba pang kasama ni Beltran.

Nakayuko na ang biktima nang muli siyang puntiryahin ng saksak sa tagiliran ng suspek.

Naunang umalis ang dalawang nakibugbog ngunit nakatayo si Bermas at nakipambuno kay Beltran. Pinagsisipa ni Beltran si Bermas bago tumakas.

Agad isinugod sa ospital ang biktima matapos ang insidente.

Nadakip ang dalawang menor de edad na dawit sa gulo sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, habang tinutugis ang 21-anyos na si Beltran.

“Sa initial investigation namin ay selos ‘di umano base sa aming nahagilap na information, itong girlfriend ng suspek ay di umano’y nagcha-chat pa roon sa victim,” sabi ni Police Captain Ronald Pagayon ng Kalayaan, Laguna MPS.

Nasampahan na ng reklamong frustrated homicide si Beltran, habang ang dalawa niyang kasama ay nai-turnover na sa DSWD. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News