Nilinaw ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. nitong Sabado na "taken out of context" ang kaniyang sinabi tungkol sa "destabilization efforts" sa Western Mindanao Change of Command Ceremony sa Zamboanga nitong Biyernes.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras Weekend," iginiit ni Brawner na wala siyang binanggit na destabilization "plot" o "plans" sa kaniyang talumpati.

“Pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ie-execute na lang. Ang sinabi ko during my statement was that may mga naririnig tayo na mga ugong-ugong ng mga destabilization 'efforts'. ‘Yun yung specific word na ginamit ko. So, I did not use the word ‘plot’,” paliwanag ni Brawner.

Idinagdag ni Brawner na ang kaniyang mensahe ay paalala lang sa mga AFP servicemen na manatiling tapat sa kanilang sinumpaan kasunod na rin umano ng panawagang protesta noong September 21.

“Yung oath na kinuha namin seriously that we would protect the constitution and the duly constituted authorities at di dapat kami sumasali sa kahit na ano mang mga movement na meron diyan,” giit ng Chief of Staff.

Nauna nang itinanggi nina Armed Forces of the Philippines Spokesperson Colonel Medel Aguilar at National Security Adviser Eduardo Año, na mayroong destabilization plots laban sa administrasyong Marcos, at sinabing nagkaroon lang ng pagkakamali sa pag-unawa sa sinabi ng AFP Chief.

“I can tell you that there is no security threat to be worried about. The AFP is a professional organization, we follow the law, we follow the chain of command, and we are loyal to the constitution,” sabi ni Aguilar.

Inihayag din ng pamunuan ng Philippine National Police na wala silang nakikitang dahilan para magkaroon ng destabilization plot.

Sa naturang Western Mindanao Command’s Change of Command Ceremony noong Biyernes, sinabi ni Brawner na may nadidinig siyang mga ugong ng destabilization "efforts."

"Marami po tayong naririnig ngayon na mga masasabi natin mga destabilization efforts,” saad ni Brawner sa talumpati.

“May mga nagsasabi na dapat palitan ang ating Pangulo dahil sa maraming rason... and sadly some of them were former officers of the Armed Forces of the Philippines,” dagdag niya. — FRJ, GMA Integrated news