Pinusuan ng netizens ang labis na tuwa ng isang ina sa Pangasinan matapos ibigay ng kaniyang anak na engineer ang unang sahod nito sa kaniya. 

Sa video ni Engineer Nick Raymund Velasco, na mapapanood din sa Balitanghali nitong Huwebes, makikitang napasigaw na lamang sa tuwa ang kaniyang nanay matapos niyang ibigay ang kaniyang sahod na may kasama pang bouquet of roses.

Sa likod ng nakaaantig na video, bihira na lamang makauwi si Nick sa kanilang tahanan sa Pangasinan dahil sa trabaho, kaya naman naisipan niyang sorpresahin ang ina.

Bilang kapalit, mahigpit na yakap at pasasalamat mula sa ina ang natanggap ni Nick.

May 2.3 milyong views na ang video, at pinusuan ng libo-libong netizens. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News