Isang konsehal ang nasawi matapos siyang pagbabarilin sa labas ng kaniyang bahay sa Paglat, Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Samon Kitalok, na pinagbabaril nitong Miyerkoles.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nilapitan at bigla na lamang binaril ng mga salarin ang biktima, bago sila tumakas gamit ang motorsiklo.
Patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaslang at kung sino ang mga salarin.
Samantala, patay din sa pamamaril ang isang barangay chairman sa General Mamerto Natividad sa Nueva Ecija.
Dead on arrival sa ospital ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan, habang sugatan ang kaniyang kaanak na nadamay.
Tumangging magbigay ng kanilang panig ang pamilya ng biktima, pati na rin ang pulisya na nagsasagawa pa ng imbestigasyon.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
