Na-huli cam ang panloloob ng dalawang suspek sa isang café sa Novaliches, Quezon City nitong Huwebes Santo.

Nangyari ito sa Barangay Sta. Monica, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, nakita ang dalawang salarin na pumasok sa loob ng café mula sa likuran.

Sinubukan nilang buksan ang kaha ngunit nahirapan sila.

Kinuha nila ang barena mula sa toolbox at binalikan ang kaha, pero bigo pa rin silang buksan ito.

Dito na sila nagpasyang damputin na lang ang speaker na nasa counter at dalawang helmet.

Nakita naman sila ng guwardiya sa katabing establisimyento kaya dali-daling tumakas ang mga suspek.

Naiwan nila ang speaker at mga helmet sa pagmamadali.

Tanging barena ang natangay ng mga suspek. —KG, GMA Integrated News