Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang molestiyahin at gahasain umano ang menor de edad na anak ng kaniyang kinakasama sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood na natunton ng tracker team ng Antipolo Police Station sa isang compound ang kanilang target na suspek nitong Lunes.

Isa raw sa mga most wanted persons ng Rizal ang suspek, na si alyas "Nani." Mayroon siyang warrant of arrest para sa kasong child abuse noong 2017 at dalawang count ng qualified rape noong 2018.

Kasalukuyang namamasukan ang suspek bilang caretaker sa isang establisyimento.

Itinanggi naman ni Alyas Nani ang mga paratang laban sa kaniya. Hindi raw siya umiiwas sa batas kundi naghanap lamang ng pagtatrabahuhan, at pang stay-in ang kaniyang nakuha.

Nakadetine na ang suspek sa Antipolo Police Station habang hinihintay ang simula ng kaniyang paglilitis. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News