Napalitan ng kalungkutan ang masaya sanang kapistahan ng Sto. Niño sa ilang pamilya sa Tondo, Maynila dahil sa sumiklab na sunog sa Barangay 48, Barrio Menu nitong Linggo na ikinasawi ng magtiyuhin.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV Balitanghali nitong Lunes, sinabing edad 58 na lalaki at 43 na babae, ang dalawang nasawi, at siyam na pamilya ang naapektuhan ng sunog.

Isang senior citizen din ang sugatan matapos magtamo ng second-degree burns. Dinala siya sa ospital.

“Akala ho namin okay na kasi ‘yung senior citizen na nailabas namin, nalapnos ‘yung likod, naipadala namin sa ambulansya,” ayon sa punong barangay na si Boyet dela Rea.

Sa video footage, makikita ang mga residente na tulong-tulong sa pagbuhos ng tubig sa umuusok na bahay.

Tumagal lang ng 30 minuto ang sunog na ganap na naapula dakong 5:00 pm. Dito na rin nadiskubre na mayroong dalawang nasawi.

“Umakyat ulit si Papa kasi nandoon ‘yung pinsan ko. Hindi na po sila bumaba. Mahal na mahal ko po si Papa. Hindi ko po papabayaan si Mama at ang kapatid ko. Sobrang sakit. Hindi din naman po inaasahan na ganu'n mangyayari,” ayon sa anak ng isang nasawi.

Sinabi naman ng kapatid ng isang nasawi na binilinan niya ang kaniyang ate na lumabas na ng kanilang bahay  at dumaan sa hagdan habang may babalikan siya sa kuwarto na nasa ikatlong palapag.

Pero bigla na umanong kumapal ang usok sa labas ng kuwarto at naipit na siya. Mabuti na lang at naligtas siya ng mga taga-barangay na gumamit ng hagdan upang mailabas siya ng kuwarto.

Gayunman, bigo ang kaniyang kapatid na makalabas.

“Masakit, siyempre. Hindi ko naman in-expect na babalik Ate ko. Ate, pasensiya. Hindi ko alam na bumalik ka eh,” saad niya.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection kung ano ang sanhi ng sunog. —FRJ, GMA Integrated News