Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang sino mang "entity" ang maaaring magdikta sa kanila pagdating sa usapin ng depensa ng Pilipinas. Kasunod ito ng pahayag ng China na dapat alisin ng Pilipinas ang US Typhon missile launchers matapos na ilipat ito ng posisyon.
“There is no single entity who can dictate how we would do our deployments in terms of our defenses,” sabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla nitong Biyernes.
“It's an inherent right of every state to heighten and strengthen their defenses accordingly. How we would go about it is for us to freely do so. Walang puwedeng magdikta sa atin how we would do it,” dagdag nito.
Nitong Huwebes, iniulat na inalis sa Laoag airfield ang Typhon missile launchers at inilipat ng posisyon.
Ang naturang missle launcher, kaya umanong magpakawala ng mga multi-purpose missile na kayang umabot sa China at Russia.
Ang Tomahawk cruise missiles na ilalagay sa launcher ay kayang tumama sa target na nasa China o Russia mula sa Pilipinas. Habang SM-6 missiles ay kayang tumama sa air or sea targets kahit sa layo na mahigit 200 kilometro (165 miles), ayon sa Reuters.
Ipinaliwanag ni Padilla na dinala ang mga Typhon missile launcher sa Pilipinas para sa pagsasanay ng militar ng Pilipinas at Amerika. Bahagi din umano ng logistical exercises ang paglilipat ng mga ito.
Dahil sa usapin ng seguridad, hindi sinabi ni Padilla kung nasaan ang mga ito ngayon.
Pinuna rin ni Padilla ang pahayag ng China na lubhang mapanganib ang pagdadala sa bansa ng Typhon missile system. Giit ng tagapagsalita ng AFP, ang presensiya ng mga barko ng China, at paglalagay ng artificial islands sa South China Sea, na maaari ding magpakawala ng missiles, ang higit na banta.
“Let us not home in on the capabilities that we are building as a nation because it is our inherent right to build our capabilities accordingly. And how we do that is we modernize, we strengthen our alliances, and no other nation can question that,” paliwanag ni Padilla.
Nitong Huwebes, muling iginiit ng China sa Pilipinas na alisin ang mga US Typhon missile system.
“We once again urge the Philippines to heed the concerns of regional countries and their peoples, correct this wrongdoing, quickly remove the Typhon missile system as publicly pledged, and avoid further going down the wrong path,” sabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning. -- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News