Mula sa pagbubukas ng automated counting machine o ACM, pagpapaboto hanggang magsara ang presinto, mabusising isinagawa ang mock elections nitong Sabado sa Barangay Poblacion, Makati City bilang paghahanda sa May 12 midterm elections.

Isang daan na registered voter ang inimbitahan ng Commission on Elections (Comelec) para sa mock elections na ginanap sa isang clustered precinct sa Makati High School.

Pero wala pang isang oras matapos buksan ang botohan, nireject ng ACM ang balota ng isang botanteng PWD.

Dahil hirap magsulat, naguhitan niya, pati ang security marking sa gilid ng balota kaya’t nireject ito ng makina.

Ayon kay Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr., aabisuhan na lang daw nila ang kanilang mga tauhan at election board na kapag may nakitang botante na hirap sumulat, paalalahanan na iwasang maguhitan ang security marking sa balota.

“It will go into our briefing of our people and of the election board and the assistance on the ground na 'pag makita nahirapang sumulat eh talagang sasabihin lang, siyempre hindi puwedeng bantayan 'yan eh because of the secrecy of the ballot pero papaalalahanan lang,'' sabi ni Maceda.

Dalawang beses namang iniluwa ng ACM ang balota ng botanteng si Nelvie Abilar.

Pero matapos punasan ng electoral board chairperson ang scanner ng ACM, tinanggap din ng makina ang kaniyang boto.

“Probably must have been dirty from the transport, it makes us put on guard na 'pag may ganiyang mga transport, if it needs to be an additional swipe of the rag why not…if it were problematic, then at the second time na pinasok 'yun hindi na talaga tatanggapin,'' ani Maceda.

Dismayado naman si Abilar sa nangyari at sinabing sana maayos ito ng Comelec.

Nang tanungin si Abilar kung may tiwala siya sa gaganaping eleksiyon, sabi niya, “Siyempre ano pa rin hindi pa rin sure kasi baka mamaya sa mismong aktwal ng eleksyon mangyari yung ganiyan, hindi pa rin natin masisiguro na mabibilang…sana maayos pa rin.”

Iniluwa rin ng ACM ang balota ng dalawa pang botante pero tinanggap din ng ACM ang kanilang balota matapos ding punasan ang scanner nito.

Kung may nadismaya, may mga natuwa rin tulad ng mga senior citizen.

May nakapag counter check pa ng kanilang ibinoto tulad ng senior citizen na si Wilfredo Aguilar.  

“Nakita ko naman tama naman lahat ang binoto ko kasi nilista ko lahat, 'yung mga pinagbibilugan ko tama naman, ang hindi lang lumabas 'yung wala pala akong naiboto [para sa] House of Representatives eh talagang tama naman dahil wala akong ibinoto,'' ani Aguilar.

Sabi naman ni Maria Lourdes Rementilla, “Hindi naman po nahirapan, madali lang po, at tsaka tama po ‘yung lumabas doon sa ballot sheet ko na binoto.”

Nang isara ang botohan pasado alas diyes ng umaga, bahagya namang nagkaproblema sa transmission ng election returns.

Ayon sa electoral board chairperson na si Ariel Mosada, nagkaroon ng problema sa signal pero nang tanggalin at ibalik ang SIM card, nakapagtransmit naman daw sila at nakapagprint ng report.

“‘Yung Smart po na SIM card pinalitan tapos ibinalik din po 'yung Smart kasi hindi nagkasignal 'yung isa so binalik din 'yung SIM card. Okay na po tapos nag go na po nagtransmit na silang lahat and then nakapagprint na po ng report,'' ani Mosada.

Ang mga resulta ng mock elections sa Makati, i-trinansmit sa City Board of Canvassers na nakapagprint na ng certificate of canvass of votes bago mag alas dose ng tanghali.

Bukod sa Barangay Poblacion, isinagawa rin ang mock elections sa Barangay Pio del Pilar.

1:25 p.m. naman nakapagprint ng canvass report ang National Board of Canvassers ng Comelec.

“It’s to build public trust and confidence, identify technical issues if any, simulation of the voting electoral process and an assessment for ourselves moving forward,'' ani Maceda. — VBL, GMA Integrated News