Apat magkakahiwalay na insidente ng sunog ang sumalubong sa Chinese News Year sa Maynila. Ang sunog na nangyari sa isang condominium building sa Binondo, dalawang kasambahay ang nasawi.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing nasawi ang dalawang kasambahay sa sunog na nangyari sa isang condominium building sa Ongpin Street sa Binondo kaninang madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nakulong ang dalawang biktima sa nasunog na condo unit na nasa ika-35 palapag.

Sa hiwalay na ulat sa GMA News Unang Balita, sinabi ng may-ari ng unit na nagawa nitong mailigtas ang dalawang kamag-anak pero hindi na niya nailabas ang dalawang kasambahay.

"Ayon sa may-ari, 'yung lalaki, nakalabas siya nung magkaroon ng usok, nung sunog. Siguro nag-panic na, hindi na niya na-ano 'yung mga kasamahan niya na gisingin," ayon kay Fire Senior Inspector Cesar Babante.

Idineklara ang unang alarma ng sunog dakong 3:41 a.m., at idineklarang fireout pagsapit ng 4:51 a.m.

Hindi naman kumalat sa ibang unit ang sunog na inaalam pa ang pinagmulan. Tinatayang aabot sa P4.5 milyon ang pinsala sa sunog, ayon sa BFP.

Samantala, inihayag ng Bureau of Fire Protection - National Capital Region (BFP-NCR), na nagkaroon din ng sunog sa isang residential area sa Hermosa Street corner Limay Street sa Tondo kaninang umaga.

Idineklara ang unang alarma ng sunog dakong 11:59 a.m., at nakontrol naman ang apoy pagsapit ng 12:21 p.m.

May sumiklab ding sunog sa Ongpin Street corner Bermuda Street sa Binondo kaninang tanghali na umabot sa ikalawang alarma dakong 12:27 p.m.

Naapula naman ang apoy dakong 1:15 p.m.

May sunog din na naganap sa residential area sa Herbosa Street sa Barangay 91 sa Tondo, na umabot sa ikatlong alarma dakong 12:57 p.m.

Nakontrol naman ang sunog dakong 1:12 p.m. at idineklarang fireout ng 1:43 p.m. —FRJ, GMA Integrated News