Kinumpirma ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa nitong Lunes na siya ang pasahero na inihatid sa Baguio ng helicopter bago ito bumagsak sa isang sapa sa Nueva Ecija na ikinasawi ng 25-anyos na babaeng piloto.
Sa ambush interview, sinabi ni Dela Rosa na nag-"boluntaryo" umano ang piloto na ilipad siya, at ang dalawa niyang security personnel sa Baguio City para sa isang engagement.
Sinabi rin ng senador na kaibigan nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ama ng piloto.
"Hinatid lang ako sa Baguio then pagbalik niya 'yun na," saad ni Dela Rosa.
Inilarawan ng senador na "very smooth" ang biyahe nila patungong Baguio, at wala siyang napansin na anumang problema sa helicopter.
"Very smooth naman ang flight namin going towards Baguio. Napaka-smooth at masaya kami sa flight. Wala kaming naramdamang anything unusual," kuwento niya.
Ayon pa kay Dela Rosa, sa Baguio lang siya nagpahatid at nag-by land na lang sa biyahe patungo sa Binmaley, Pangasinan sa nasabi ring araw para din sa isang pulong.
"Kasi kung nagpahintay pa ako matapos ang engagement ko sa Baguio para bumaba [at] sumakay ulit, magpahatid sa Binmaley, ayaw ko ma-sacrifice 'yung oras dahil magsara agad 'yung clouds diyan sa Baguio. Kaya sabi ko i-drop na lang ako. Pag-drop uwi na agad siya," kuwento pa niya.
Nang tanungin kung masasabing blessing in disguise ang desisyon niya, saad ni Dela Rosa said, "Oo."
Sinabi pa ng senador na kinalaunan ay nakatanggap siya ng impormasyon na hindi na makontak ang chopper.
Binisita na umano ni Dela Rosa. at ni ex-Pres. President Duterte ang burol ng piloto noong Linggo ng gabi.
"It really breaks my heart... Heartbroken ako ngayon nakita ko ang bata na very bright ang future. Twenty-five years old," ani Dela Rosa.
Ngunit kahit bata pa, sinabi ni Dela Rosa na "very skilled", "very competent," at "very experienced" ang nasawing piloto.
Bumagsak noong Sabado ng hapon sa isang sapa na malapit sa bukirin ang helicopter sa Guimba, Nueva Ecija.
Mula sa Baguio, lumipad ito at lumapag sa Binalonan, Pangasinan dakong 12:05 p.m. para sa refueling.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, sinabing nahirapan ang helicopter na mag-start sa Binalonan, pero nakalipad din dakong 4:30 p.m.
Ngunit hindi na ito nakabalik sa home base dahil bumagsak na sa Guimba.
Kuwento ng mga residente na kabilang sa mga sumaklolo sa insidente, nakalubog sa lampas-tao na tubig ang chopper at mahigpit ang seat belt ng piloto kaya hindi nila kaagad nailabas.
“Sabi ng pulis sisirin na namin para ma-rescue yung sakay. Kaya yun, hinahanap-hanap namin tapos ako nga yung nakakita sa kaniya, nahawakan ko siya. Hiniwa namin yung seatbelt, mahigpit, kung naalis 'yon may posibilidad siyang nakalabas,” ayon sa residente. --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News

