Inihayag ni Ilocos Norte Representative Sandro Marcos na ang ginawang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte tungkol sa bangkay ng kaniyang lolo, at sa buhay ng kaniyang mga magulang ang dahilan kaya sumuporta siya sa pag-impeach sa bise presidente.

Nitong Biyernes, sinabi ni Marcos na walang dapat ipagtaka kung bakit siya pumirma sa impeachment complaint laban kay Duterte.

"Alangan naman kung sasabihin ng tao na gusto silang hukayin yung lolo mo at itapon ‘yung katawan sa West Philippine Sea, sasabihin niya gusto niyang patayin ang Pangulo at ang First Lady na aking [mga] magulang at gusto niyang patayin ang Speaker, eh bakit naman nagugulat ang tao na pipirma ko diyan?" paliwanag ni Sandro.

Ang tinutukoy ni Sandro ang naging pahayag ni Duterte noong Oktubre 2024 na naiisip niyang hukayin ang bangkay ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.,  sa Libingan ng mga Bayani para itapon sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Duterte na naiisip din niyang alisan ng ulo si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. 

Bukod pa rito ang hiwalay niyang pahayag na may kinausap na siya at inutusan na patayin si Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Martin Romualdez, kapag may masamang nangyari sa kaniya.

Si Sandro ay anak nina Marcos Jr. at Liza, habang tiyuhin naman niya si Romualdez na pinsan ng kaniyang ama.
 
Inihayag din ni Sandro ang naging payo sa kaniya ng ama tungkol sa impeachment complaint laban kay Duterte.

"My father said, 'Do your duty as a congressman and uphold your oath to the constitution that you swore to protect,'" saad ng nakababatang Marcos.

"And it is my constitutional duty to go through the impeachment process as an elected representative," dagdag niya.

Ayon kay Sandro, hindi dapat binabalewala ang mga pahayag ng bise presidente "especially from someone with such a high position."

Itinanggi rin niya na siya ang nanguna sa pangangalap ng lagda sa impeachment laban kay Duterte.

“I was given the opportunity to sign and I did sign, but I did not spearhead any movement. I did not try to convince anyone to sign,” paliwanag ni Sandro.

“They did that on their own volition. I did ask for their opinion if they are going to sign or not but that is about as far as my involvement in collecting the signatures,” dagdag niya.

Wala rin umanong sapilitan o kapalit na anuman na ibinigay sa mga pumirma.

“That is a part of their smear campaign to discredit the movement, you can't blame them. Alam naman natin kung sino ang amo nila. But no, there was nothing offered in exchange for the signatures,” giit ni Sandro.

“I was there in the room when the Articles of Impeachment were being discussed and then people were given the choice to sign or not. But whether there was any exchange or any monetary offer any other given to them in exchange, walang ganun na ibinigay,” patuloy niya.--mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GM Integrated News