Hinahanap na ng mga awtoridad ang lalaking nagmamaneho ng e-bike na nakuhanan ng video sa Quezon City na pinaghahampas ng martilyo ang isang truck habang nasa kalsada matapos umanong magalit nang businahan siya ng driver ng mas malaking sasakyan.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing iniimbestigahan na ng Quezon City Police District ang insidente nangyari noong Biyernes sa Sgt. Rivera Street, at nag-viral sa social media ang video.

“Nung tinanong natin itong victim [truck driver], [sinabing] sumingit itong e-bike, naunahan siya. Ang ginawa nitong truck driver binusinahan nang binusinahan. Nairita itong naka e-bike kaya hinarang siya doon, nagkaroon sila ng commotion,” ayon kay Police Lieutenant Gilbert Cruz, QCPD Police Station 1 Commander.

Ayon sa truck driver, sinuntok din siya ng e-bike rider bago pa niya mai-record ang mga pangyayari sa camera.

Natukoy na umano ng pulisya ang pagkakakilan ng e-bike rider pero nagtatago na umano ito, kasama ang asawa na nandoon din nang mangyari ang insidente.

“Na-identify natin. Ang problema nagtatago siya ngayon. Kinakausap namin ang magulang na lumutang para malaman natin yung side niya,” sabi Cruz. “Sumama, sinamahan ng asawa niya sa pagtatago.”

Payo ni Cruz sa publiko, pairalin ang pasensiya sa kalye upang maiwasan ang mas malalang pangyayari.

“Eh kung sinagasaan sila nito [truck] eh di tapos diba, ang laki-laki ng truck niya e. Kaya konting lamig lang sa mga motorista natin,” ayon kay Cruz.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang truck driver kung itutuloy ang pagsasampa ng reklamo pero sinabihan na umano siya ng kompanya na huwag nang magsalita sa media.

Patuloy naman na sinisikap na makuha ang panig ng e-bike rider.-- FRJ, GMA Integrated News