Ikinadismaya ng isang OPM rapper ang paggamit ng isang kandidato sa kaniyang kanta nang walang paalam para sa campaign jingle nito sa Eleksyon 2025.
Sa ulat ni JP Soriano sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng rapper na si Omar Baliw na ginamit ng isang kandidato ang kaniyang hit song na “K&B” sa isa nitong aktibidad nang hindi nagpapaalam.
Ayon sa rapper, ginamit ang halos 80 porsyento ng kaniyang lyrics at idinagdag lamang ang pangalan ng kandidato.
“Siyempre, 'yung ibang tao maliligaw. Ang akala nila, nasa isip nila na ako o kami 'yun na nagpo-promote kami ng kandidato na 'yun. So yeah, mali,” sabi ni Omar B.
“Paki-shutdown lang, paki-takedown,” pakiusap ng Pinoy rapper sa kandidato.
Noon pa man, sadyang marami nang nagpapalapat ng campaign jingle sa mga sikat na kanta.
Ngunit sinabi ni Pocholo De Leon Gonzales, founder ng The Voice Master of the Philippines/Creative Voices Artist Program, na maaari namang magpagawa ng orihinal na jingle, dahil nangangailangan ng permiso bago magamit ang isang kanta bilang copyrighted music.
Mas madali na ngayon dahil puwede na ring magpatulong sa artificial intelligence o AI, ngunit kailangan pa rin ang ideya ng kandidato.
“Dati ako pa nagko-compose, ako rin nag-a-arrange. Ngayon idea ko na lang, ibibigay ko na lang sa AI 'yung prompts ko tapos kung ano 'yung gusto kong boses, kung anong gusto kong tono,” sabi ni Gonzales.
Gamit ang AI, madali nang nakabuo ng sample si Gonzales.
Kung gustong maka-connect sa mga lolo at lola, puwedeng gawing Cha-cha ang tunog ng kanta.
Kung millennials at Gen Z naman ang gustong abutin, maaaring gamitan ng plataporma tungkol sa tuition fee at trabaho sa mga kabataan.
Pero kung gusto talaga ng isang kandidato ng sikat na kanta para may recall, sinabi ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP) na kailangan munang kumuha ng modification at adaptation license sa kanila upang baguhin nang kaunti, daragdagan ng pangalan at ilang salita.
Isang beses lang ito puwedeng gamitin, at ibang usapan pa kung paulit-ulit itong gagamitin sa kampanya at sa iba't ibang platforms.
“If you are also going to record that version of the song, meaning you are going to reproduce it in a digital file, you're gonna have somebody else perform it on record, kailangan ninyo another type of license which is called mechanical reproduction license,” sabi ni Atty. Ivan Viktor Mendez, general counsel ng FILSCAP. —Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News