Magkasintahang suspek umano sa pamamaril sa isang computer shop sa Maynila noong nakaraang taon, arestado sa drug buy-bust operation.
Sa kulungan ang bagsak ng isang magkasintahan matapos silang mahuli sa ikinasang drug buy-bust operation sa Maynila.
Ayon sa pulisya, suspek din sila sa nangyaring pamamaril sa loob ng isang computer shop sa Parola noong November 16, 2024.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na nakatayo noon sa computer shop nang dumating ang gunman at sunod-sunod siyang pinaputukan hanggang sa tuluyan siyang bawian ng buhay.
Agad tumakas ang gunman kasama ang kanyang kasabwat na isang lalaki na naka gray na jacket.
Pero makalipas ang ilang araw, agad na nahuli ang kasabwat ngunit tuluyang nakatakas ang gunman.
Sa imbestigasyon ng pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng gunman.
Dito din nila nalaman na mayroon palang babaeng kasabwat sa krimen na siyang nagturo sa kinaroroonan ng biktima.
Sinampahan sila ng reklamong murder at hinihintay na lamang ang warrant of arrest laban sa kanila.
Pero, sa isang pagkakataon, nahuli ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement ng Delpan Police Station ang gunman at ang babaeng kasabwat.
'Yan ay matapos silang maaresto sa ikinasang drug buy bust operation sa Gate 54 ng Parola Compound.
Nakuha sa kanila ang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000.
Dito nalaman na magkasintahan pala ang dalawa at kapatid ng babae ang lalaking naka gray na jacket na una nang nahuli ng pulisya.
Sa pahayag ng kinakasama ng biktima sa pulisya, may utang na P2,500 ang biktima sa gunman kaya siya pinagbabaril nito.
Pero sa panayam sa suspek, sinabi niya na ninakaw kasi ng biktima ang cellphone ng kanyang tiyuhin na isang pahinante.
Nakiusap umano sila sa biktima na ibalik ang cellphone.
Pero tila binastos sila ng kampo ng biktima kaya niya nagawa ang krimen.
Napag-alaman din na kalalaya lang ng gunman noong Oktubre matapos makulong ng 14 na taon dahil sa kasong homicide.
Sa kabila nito, itinanggi ng gunman at ng kanyang nobya na nagbebenta sila ng iligal na droga.
Bukod sa kasong murder, nakatakda rin sampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. — BAP, GMA Integrated News
