Sumablay ang live fire exercise ng Air Force ng South Korea nang tumama at sumabog sa ilang bahay at isang simbahan ang pinakawalang bomba mula sa dalawang fighter jets sa Pocheon.
Ayon sa fire agency, 15 tao ang sugatan sa insidente, at dalawa sa kanila ang malubha ang tinamong pinsala.
Ang Pocheon ay nasa 40 kilometers northeast ng Seoul, at malapit sa militarized border sa North Korea.
Ayon sa South Korea's Air Force, walong 500-pound (225kg) Mk82 bombs mula sa dalawang KF-16 jets ang bumagsak sa labas ng kanilang shooting range habang nagsasagawa ng joint live-fire exercises.
"We are sorry for the damage caused by the abnormal drop accident, and we wish the injured a speedy recovery," saad sa pahayag ng Air Force .
Nangyari ang insidente dahil umano sa maling coordinates ng piloto, ayon sa isang military official na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil sa sensitibo ang insidente.
Idinagdag pa ng opisyal na tig-apat na bomba ang pinakawalan ng dalawang fighter jets.
Dahil sa insidente, ititigil pansamantala ang live-fire exercises hanggang hindi natutukoy kung bakit nangyari ang kapalpakan.
Gayunman, hindi umano maaapektuhan ng insidente ang nakatakdang major joint South Korean and U.S. military exercises na sisimulan sa Lunes, ayon sa opisyal.
Ilan taon nang ipinoprotesta ng mga residente sa lugar ang ginagawang pagsasanay doon ng militar dahil sa panganib at pagkaabala sa kanilang pamumuhay.
May mga kuha mula sa security camera sa nangyaring insidente.
"The unthinkable has happened," ayon kay Pocheon city mayor Baeck Young-hyeun, na nanawagan sa pamahalaan at militar na gumawa ng mga hakbang para hindi na maulit ang nangyari.
Una rito, sinabi ng defense ministry na magsasagawa ang South Korea at U.S. forces ng unang joint live-fire exercises sa Pocheon, na magsisimula sa susunod na linggo. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News
