Inaresto ng mga pulis ang isang ama sa Pasig City matapos magpaputok nang baril nang makaengkuwentro niya ang mga lalaki na nauna umanong nanakit sa kaniyang anak sa isang basketball game.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tatlong tao ang nasugatan pero maayos na ang lagay dahil sa ginawang pagpapatok ng baril ng suspek.

Sa CCTV footage, makikita ang suspek na naglalakad sa kalye nang may isang lalaki na tinangka niyang hawakan pero nakaalpas.

Pero ilang saglit lang, isang lalaki ang tumulak sa suspek at may sumuntok sa kaniya at nambato ng helmet.

Nagkaroon ng komosyon sa lugar hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok. Tumakas siya sakay ng motorsiklo.

Walang pang 24 oras ay nahuli na siya ng mga awtoridad.

Paliwanag ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang kaniyang anak laban sa mga nanakit dito.

"Bilang ama kaya ko po nagawa iyon," ayon sa suspek na kakasuhan din umano ang mga nanakit sa kaniyang anak.–FRJ, GMA Integrated News