Matapos arestuhin sa Pilipinas, inilipad patungong The Hague sa Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang dalhin sa International Criminal Court (ICC) at doon idedetine habang dinidinig ang kaso laban sa kaniya na crime against humanity.

Makikita ang ICC detention center sa Dutch prison complex na Scheveningen, na sinasabing kompleto sa pasilidad.

Sa website nito, nakasaad na ang naturang piitan ay ginawa "to hold in safe, secure and humane custody" sa mga taong nasa ilalim ng awtoridad ng ICC.

Mayroong kama, sariling banyo, lamesa, cabinet, lababo, at iba pa ang bawat selda nito.

Maaari ding magpahangin at pumunta sa gym ang detinedo. Mayroon din itong kusina, computer area, at lugar na maaaring manood ng TV at magbasa ng mga libro.
 
Maaaring bisitihan ang detainee ng isang minister o spiritual advisor ng kaniyang relihiyon.

Binibigyan ng Registrar ng atensyon ang pagbisita ng miyembro ng pamilya, asawa o ka-partner ng nakadetine. At maaaring magpatupad ng mga hakbang upang tulungan ang pamilya sa mga kinakailangang proseso nito kung nararapat.

Tinitiyak din umano na binibigyan ng sapat, tama, at maayos ang pagkain ang mga nakadetine.

Ayon sa ICC, ang mga nakadetine sa pasilidad ay itinuturing na inosente pa rin hangga't hindi napatunayan sa kanilang pagkakasala.

 

Kung mapatunayang nagkasala ang nakadetine, hindi siya sa naturang pasilidad ikukulong dahil hindi ito nilikha para sa naturang layunin.

Sa halip, ililipat ang akusado sa isang bilangguan sa labas ng Netherlands upang doon niya bubunuin ang kaniyang magiging sentensya, batay sa mapagkakasunduan ng ICC at ng magpapatupad na estado. -- FRJ, GMA Integrated News