Sasampahan ng reklamo ng Philippine National Police ang partner ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña dahil sa paghampas umano ng huli ng cellphone sa noo ng isang babaeng pulis na nagdulot ng malaking bukol.
Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na nangyari ang insidente nang ipatupad ng PNP ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte noong Martes.
“Yung pulis na nasaktan at nagkaroon ng injury sa ulo po ay magpa-file po ng kaso…Direct assault po,” sabi ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, kasama ang nasaktang pulis sa mga awtoridad na pumipigil kay Avanceña at sa anak nito na si Kitty para makadaan si Duterte.
"Meron po tayong mga video na magpapatunay na pinukpok po ni Ms. Honeylet ‘yong isang pulis po natin na babae na sila po ang nag-restrain doon po kay Ma’am Honeylet at sa kanilang anak para po ilayo pansamantala or mag-give way," anang opisyal.
“Napakalaki po ng bukol ng pulis natin. Dinala po yun sa ospital,” dagdag niya.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ni Avanceña sa paratang ng PNP laban sa kaniya.
Inaresto si Duterte nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) mula sa Hong Kong noong Martes ng umaga, at dinala sa Villamor Airbase, kung saan inilipad naman siya kinagabihan patungong The Hague, na kinaroroonan ng ICC. .-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News