Hinamon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla si dating presidential spokesperson Harry Roque na bumalik sa bansa at harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya.

“Harapin niya ‘yung ano, kung ano mang sinasakdal sa kaniya. Harapin niya, 'di ba? Magpaka-Pilipino siya nang maayos,” pahayag ni Remulla sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkoles.

Ginawa ni Remulla ang pahayag nang hingan ng komento kaugnay sa sinabi ni Roque na mag-a-apply ang huli ng asylum sa The Netherlands.

Ayon kay Roque, ginigipit siya ng pamahalaan kaya nais niyang magpakupkop sa The Netherlands. Nais din umano niyang ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong doon dahil sa kinakaharap na alegasyon ng crime against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Sabi ni Remulla tungkol dito, “Wala pa ngang nangyayari tumatakas na siya eh. Hindi, harapin niya. Abogado pa naman siya, hindi siya sumusunod sa batas. Sumunod siya sa batas, harapin niya.”

Iniuugnay si Roque sa umano'y trafficking operations sa sinalakay na Lucky South 99 POGO firm sa Porac, Pampanga.

Itinanggi naman niya ang mga alegasyon at naghain ng counter affidavit.

May arrest warrant din sa kaniya ang House Quad Committee matapos siyang i-contempt dahil sa hindi umano magsusumite ng mga dokumento kaugnay sa kaniyang yaman.

'Irrelevant' si Roque

Ayon kay Remulla, “irrelevant” si Roque sa kinakaharap na kaso ni Duterte sa ICC.

“Sinisiksik niya ‘yung mukha niya para maging relevant siya. Hindi naman siya kailangan dito,” anang kalihim.

Nitong Martes, inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi kasama si Roque sa defense team ng kaniyang ama sa ICC.

Ayon kay VP Sara, iniiwasan nila ang komplikasyon dahil hindi pa malinaw ang basehan ng pananatili ni Roque sa the Netherlands.

“Gusto namin nakatutok talaga 'yung lawyers doon sa kaso. Right now, he’s, I heard, applying for asylum. He publicly announced that already. We want him to focus on his asylum, and we want our lawyers to focus on the case,” paliwanag ni VP Sara.

Sa isang press conference, sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, na dapat unahin ni Roque na ipagtanggol ang sarili niya kaysa sa ibang tao.

''Sa ngayon po, siguro’y nabalitaan ninyo na po na hindi na po makakasama si Atty. Harry Roque bilang parte ng legal team ni dating Pangulong Duterte. Siguro po kung sinabi man niya na nandodoon siya, hindi siya uuwi dahil iri-represent niya ang kaniyang presidente, mas maganda po siguro na unahin niya munang i-represent iyong sarili niya, ipagtanggol ang sarili niya bago magtanggol ng ibang tao,'' saad ni Castro.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ni Roque tungkol sa sinabi nina Remulla at Castro. -- mula sa ulat nina Joahna Lei Casilao/Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News