Tatlong beses umanong nagbayad ng ransom sa mga kidnapper na aabot sa halos P100 milyon ang pamilya ng pinaslang na negosyanteng si Anson Que, ayon sa isang source sa ulat ni Jun Veneracion sa GTV News State of the Nation nitong Huwebes.

Una rito, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na bangkay ni Que at ng kaniyang driver ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.

“The two bodies were placed in a nylon bag, tied with nylon rope, and their faces were wrapped with duct tape,” sabi naman ni Police Regional Office 4A (PRO 4A) public information office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran.

Inihayag naman ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na may sugat, injuries at palatandaan na sinakal ang mga biktima.

Huling nakitang buhay ang dalawa noong March 29 habang paalis sa kanilang opisina sa Valenzuela City.

Sa sumunod na araw, March 30, humingi ng saklolo ang pamilya ni Que sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police.

Kasunod ng nangyari kay Que, inalis sa puwesto si Police Brigadier General Elmer Ragay bilang pinuno ng AKG, ayon kay Fajardo.

Sinabi pa ni Fajardo, hindi kontento si PNP chief Police General Rommel Marbil sa trabaho ni Ragay bilang AKG chief kaya ito inalis sa puwesto.

“Ito lang po ang pinapasabi ni Chief: He is not satisfied with the performance. That is why he (Ragay) was relieved and replaced,” dagdag ng opisyal.

Batay sa nakalap na impormasyon mula sa source, sinabi sa ulat ni Veneracion na tatlong beses nagbigay ng ransom ang pamilya ni Que sa mga kidnapper na aabot umano sa halos P100 milyon ang kabuuang halaga.

Pero sa kabila nito, pinatay pa rin ang negosyante at ang kaniyang driver.

Naniniwala umano ang kapulisan na hindi ordinaryong kidap for ransom ang nangyari kay Que.

Mga bakal ang negosyo ni Que pero inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa POGO ang pagdukot sa kaniya.

Binuo na ang isang Special Investigation Task Group para tutukan ang imbestigasyon sa naturang krimen.

Ayon kay Fajardo, kasama sa imbestigasyon ang posibilidad na may mga Pinoy at Chinese nationals na sangkot sa pagdukot kay Que.

Sa pahayag na inilabas ng pamilya ni Que na si Atty. Mei Go, nakasaad na suportado ng pamilya ang gagawing imbestigasyon para makamit nila ang hustisya.

“The Philippine National Police, particularly the Anti-Kidnapping Group, is already conducting its investigation on the matter,” ani Go. “The spouse and children of Mr. Anson Tan, who are presently grieving their loss, fully support the action of the PNP-AKG to bring the perpetrators to justice.”

Naglabas din ng pahayag ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), upang kondenahin ang brutal na pagpatay kay Que at sa driver nito.

“We extend our heartfelt condolences to the Que and Pabillo families at this very difficult time and fervently hope that the perpetrators will soon be caught and brought to justice,” ayon sa MRPO.

Nanawagan sila sa pamahalaan ng mabilis na aksiyon para ibalik umano ang peace and security.

“We are one with the public in calling law enforcement authorities to step up, take urgent action, and put a stop to these senseless acts of violence. We have three cases in just five weeks,” ayon sa grupo. -- FRJ, GMA Integrated News