VATICAN CITY — Inanunsyo ng Vatican ngayong Lunes (oras sa Pilipinas) sa isang video statement na pumanaw na si Pope Francis, ang kauna-unahang Latin American leader ng Roman Catholic Church.
Nito lang nakaraang linggo, nakipagpakita si Pope Francis, 88-anyos, at pinasalamatan ang medical team na umasikaso at nagligtas sa kaniya sa limang linggo niyang pagkakaratay sa ospital dahil sa double pneumonia.
Mahina ang boses pero walang suot na oxygen ang Santo Papa nang pasalamatan niya ang medical team na binubuo ng nasa 70 doktor at mga staff mula sa Gemelli Hospital sa Rome.
"Thank you for your service in hospital," saad ni Pope Francice. "It is very good. Keep going like this."
Nitong nakaraang Linggo ng Pagkabuhay, pumasok si Pope Francis sa St. Peter's Square sakay ng open-air popemobile, na kauna-unahang niyang ginawa mula nang makalabas ng ospital.
Sinalubong siya ng libu-libong Katoliko na may bitbit na mga watawat ng kanilang mga bansa at sumisigaw ng "viva il papa!" (long live the pope!).
Ilang beses din na sandaling tumigil ang popemobile sa square, upang batiin at basbasan ang mga tao, may sanggol din na inilapit sa kaniya.
Binasa naman ng kaniyang tauhan ang kaniyang Easter message mula sa balkonahe ng St. Peter's Basilica, kung saan binigyan-diin ng Santo Papa ang agarang tigil-putukan sa Gaza.
"I express my closeness to the sufferings ... of all the Israeli people and the Palestinian people," saad niya sa mensahe.
"I appeal to the warring parties: call a ceasefire, release the hostages and come to the aid of a starving people that aspires to a future of peace," dagdag pa niya.
Nagawa rin ni Pope Francis na makausap nitong Linggo ng umaga sa Vatican sa US Vice President JD Vance.
Ayon sa Vatican, ilang minuto lang ang itinagal ng pag-uusap nina Pope Francis at Vance upang pagpalitan ng Easter greetings. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News