Arestado ang isang kakambal ng nagbebenta umano ng droga na target ng pulisya, matapos siyang makunan ng isang gramo ng hinihinalang shabu sa Taguig City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nadakip ang lalaki matapos makipaghabulan at madakip ng pulisya sa Barangay South Daang Hari Miyerkoles ng gabi.
Nakatakas ang kakambal niyang target ng pulisya na nagbebenta umano ng droga sa kanilang lugar, at siya ang nahuli.
Nakuha sa kaniya ang isang gramo ng hinihinalang shabu na pansarili umano niyang gamit at hindi siya nagtutulak.
Sinabi ng pulisya na tumanggi sa panayam dahil nagsasagawa pa ng follow-up operations, na inuutusang runner umano ng kakambal niya ang naarestong lalaki.
Hindi itinanggi ng suspek ang paratang.
“Nakikiporsiyento lang po ako sa kakambal ko. Gawa ng pangangailangan po ng pagkain, kaya ko po nagawa 'yung mga bagay. Sa totoo lang sir, may trabaho po ako, naghahabal po ako. Bale 'yung motor po na ginagamit ko, galing po ‘yun sa panganay namin. Bale sinangla po sa kaniya. Tapos nang nawalan na po ako ng motor, wala na pong panghanapbuhay,” sabi ng suspek.
Dalawang personalidad pa ang naaresto sa Barangay Tuktukan sa hiwalay na drug operations sa Taguig pa rin.
Nakumpiska sa dalawa ang humigit kumulang 75 gramo ng droga na may street value na P500,000.
Nakumpiska naman ang 25 gramo sa isang babae na nagsabing caretaker lang umano siya ng kontrabando at hindi nagtitinda nito.
Binabayaran umano siya ng P1,000 kada araw para itago ang droga.
Nakuha naman sa isang lalaki ang 50 gramo na nagbebenta umano ng droga para sa kaanak na may sakit.
Hindi nagbigay ng kanilang panig ang dalawa, at hindi rin nagpaunlak ng panayam ang pulisya.
Patuloy nilang tinutunton ang pinagmulan ng droga. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
