Umabante sa Western Conference semi-final ng NBA playoffs ang pangkat ng Minnesota Timberwolves matapos nilang lapain sa iskor na 103-96 ang Los Angeles Lakers, at burahin ang pangarap ni LeBron James na maging kampeon ang kaniyang team.
Dahil sa panalo ng Wolves, naitala nila ang 4-1 win sa series kontra sa Lakers. Umabante ang tropa ni Rudy Gobert sa Western Conference semi-final, at hihintayin na lang kung sino sa Golden State at Houston Rockets, ang sunod nilang makakasagupa.
Kumamada si Gobert ng 27 points, at nag-ambag naman ang katropa niyang si Julius Randle ng 23 puntos. Dinagdagan ito nina Anthony Edwards ng 15 na puntos, at siyam kay Donte DiVincenzo.
Sa grupo ng Lakers, nagbuhos ng 28 puntos si Luka Doncic, at 22 naman mula kay LeBron James. Sinamahan pa ito ng 23 puntos mula kay Rui Hachimura at 12 ang kontribusyon ni Austin Reaves.
Matapos ang pagbabakasyon ng Lakers sa NBA, hindi pa tiyak si LeBron kung babalik pa o magreretiro na pagsapit ng susunod na season ng liga.
"I don't know," saad ni James nang tanungin kung ilang taon pa siyang maglalaro sa NBA. "I don't have the answer to that. (It's) something I sit down with my family, my wife and my support group and kind of just talk through it and see what happens and just have a conversation with myself on how long I want to continue to play."
Magiging 40-anyos na si James sa December 30, na nakatala na sa kasaysayan ng liga bilang all-time leader scorer, matapos maging kauna-unahang manlalaro na nakaipon ng 50,000 career points.-- FRJ, GMA Integrated News

