Timbog ang isang 50-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril sa Oplan Sita sa Barangay 166, Caloocan City. Ayon sa suspek, kaniya ang baril na ginagamit niyang pang self-defense.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakamotorsiklo ang suspek ngunit walang suot na helmet dahilan para sitahin siya ng pulisya.
“Noong ipa-flag down na nila, instead na sumunod sa amin, huminto at lalo pa niyang binilisan ‘yung pagtakbo niya. Doon sa pagbilis ng takbo niya, lumagpas sa amin at sumemplang siya,” sabi ni Police Lieutenant Jefren Aganos, Commander ng Caloocan City Police Llano Substation 7.
Isang .38 revolver na kargado ng mga bala ang nakuha sa suspek, ngunit wala siyang naipakitang dokumento.
Batay sa imbestigasyon, natuklasang hindi lisensyado ang baril.
Isasailalim sa ballistic examination ang baril para matukoy kung nagamit din ang baril sa ibang krimen.
Umamin ang suspek na pagmamay-ari niya ang baril na kaniyang dinadala sa tuwing bibili ng bigas sa Bulacan, matapos na minsan na siyang maholdap doon.
“Self-defense lang po ‘yun,” sabi ng suspek, na sinampahan na ng reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
