Nanguna ang Akbayan, Duterte Youth at Tingog sa mga party-list na malaki ang posibilidad na makakakuha ng upuan sa Kamara de Representante, batay sa resulta ng ng partial at unofficial count ng 2025 midterm elections, mula sa Commission on Elections.

Sa 97.27% ng pumasok at nabilang na election returns nitong 3:12:28 p.m. ng Martes, nanguna ang Akbayan na may 2,750,289 na boto o katumbas ng 6.71%; Duterte Youth na may 2,300,083 boto na katumbas ng 5.61%; at mayroong 1,788,063 boto ang Tingog o katumbas ng 4.36%.

Pang-apat ang 4PS na may 1,435,027 boto o 3.50%, na sinundan ng ACT-CIS bilang panglima na may 1,222,092 boto o katumbas ng 2.98%, at Ako Bicol bilang pang-anim na may 1,061,250 boto o 2.59%.

Narito ang ilan pang mga party-list na nakakuha naman ng mga botong katumbas na higit sa isang porsyento.

USWAG ILONGGO - 772,616 (1.88%)
SOLID NORTH PARTY - 753,765 (1.84%)
TRABAHO - 647,627 (1.58%)
CIBAC - 587,621 (1.43%)
PPP - 570,195 (1.39%)
SENIOR CITIZENS 569,702 (1.39%)
MALASAKIT@BAYANIHAN 568,010 (1.39%)
ML - 540,971 (1.32%)
FPJ PANDAY BAYANIHAN - 526,858 (1.29%)
UNITED SENIOR CITIZENS - 526,600 (1.28%)
4K - 505,553 (1.23%)
COOP-NATCCO - 503,679 (1.23%)
LPGMA - 498,773 (1.22%)
AKO BISAYA - 470,654 (1.15%)
CWS - 467,312 (1.14%)
AGAP - 462,218 (1.13%)
PINOY WORKERS - 461,795 (1.13%)
ASENSO PINOY - 416,857 (1.02%)
AGIMAT - 416,389 (1.02%)

Sa ilalim ng party-list law, na siyang desisyon ng Korte Suprema sa komputasyon ng mga party-list seats, kailangan ng isang party-list group na makakuha ng hindi bababa sa 2% ng mga boto sa party-list race para manalo ng isang puwesto sa Kamara.

Isa pang karagdagang puwesto ang ipagkakaloob sa isang party-list na makakakuha ng higit sa 2% ng mga boto na proporsyonal sa karagdagang porsyento na nakuha nito, ngunit hanggang tatlo lang ang pinakamataas na bilang ng makukuhang puwesto.

Mayroong 63 na puwesto para sa mga party-list representatives o 20% ng mga miyembro ng Kamara. Kung hindi mapunan ng lahat ng nakakuha ng 2%, ang mga susunod na grupo na may pinakamalapit na bahagi ng boto sa 2% ang magkakaroon ng pagkakataon na mapuwesto hanggang sa mapunan ang lahat ng nakalaang party-list seats. -- FRJ, GMA Integrated News

For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.