Isang lalaki ang nasapul sa CCTV na nanloob ng isang bahay sa Barangay Catmon, Malabon City. Ang suspek, pinagnakawan din umano ang isa pang kalapit na bahay nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang salarin na ilang minutong nagmamanman sa labas ng isang bahay pasado 3 a.m. ng Miyerkoles.

Ilang saglit pa, mabagal niyang binuksan ang gate saka pumasok.

Hindi na nakunan sa CCTV kung saan nagtungo ang lalaki, at nahagip na lamang na lumalabas ng gate pagkaraan ng ilang sandali.

Sinabi ng pamunuan ng barangay na nilooban ng lalaki ang bahay at umakyat pa sa second floor nito.

Nalaman din nilang pangalawang pagkakataon na itong nangyari, una noong Abril.

Ang kalapit na bahay, nilooban din umano ng lalaki noong Miyerkoles ngunit hindi nasapul sa CCTV.

"Hindi po naka-lock ang bahay namin kasi lumabas po ang kapatid ko eh, kinalimutan niya pong isarado 'yung pinto. Nakita siya ng kapatid ko po. Pagpasok ng kapatid ko sa bahay, nakita niya po 'yung lalaki. May kinakapa sa bag ng kuya ko. Nasa loob ng bahay mismo po. Wala pong ginawa 'yung kapatid ko, siyempre natakot din," anang biktima ng panloloob.

Abril din nang una umanong pinasok ang kanilang bahay, kung saan isang cellphone ang natangay at nasa P2,000 cash.

Sinabi ng barangay na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para sa pagkakadakip ng salarin. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News