Makakatanggap na ng kanilang midyear bonus simula Huwebes, Mayo 15, 2025, ang mga kuwalipikadong empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga sibilyan at mga militar at unipormadong tauhan, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang halaga ng midyear bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno batay sa kanilang sahod hanggang Mayo 15.
Ayon sa kalihim, naglaan ang pamahalaan ng P63.695 bilyon para sa midyear bonus ngayong 2025 ng mga kuwalipikadong sibilyan, militar, at unipormadong tauhan.
Sa nasabing halaga, P47.587 bilyon ay para sa mga sibilyang kawani, habang P16.108 bilyon ay para sa mga militar at unipormadong tauhan.
Sinabi ni Pangandaman na ang kinakailangang pondo para sa midyear bonus ay nailabas na nang buo sa mga implementing agency at mga lokal na pamahalaan simula pa noong Enero 2025.
Ayon sa DBM Budget Circular No. 2017-2, ibibigay ang midyear bonus sa mga kawani na nakapaglingkod nang hindi bababa sa apat (4) na buwang kabuuang serbisyo mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News

