Naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court Branch 118 sa Angeles, Pampanga laban kay dating presidential spokesperson at abogado na si Harry Roque, at kay si Cassandra Ong, kasama ang 48 na iba pa sa kasong qualified human trafficking na may kaugnayan sa umano’y scam hub na Lucky South 99.
Ang pagpapaaresto kina Roque, Ong, at iba pa ay iniutos ng Angeles, Pampanga Regional Trial Court Branch 118 nitong Huwebes.
Nakasaad sa arrest warrant na may 11 magkakahiwalay na kaso (Informations) na isinampa laban sa mga nasasakdal para sa paglabag sa Republic Act 9208 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Ang Lucky South 99 ay isang POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) facility sa Porac, Pampanga, na sinalakay noong 2024.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nakahanap sila ng ebidensya ng torture, kidnapping, at sex trafficking sa nasabing lugar. Nasagip rin ng mga awtoridad ang hindi bababa sa 158 dayuhang empleyado.
Mariin namang itinanggi ng Lucky South 99 ang mga paratang.
Nadawit sina Roque at Ong sa operasyon ng naturang POGO firm sa mga pagdinig na isinagawa tungkol sa raid. Inakusahan din si Roque na tumulong sa pagkuha ng operating license ng hub, habang tinukoy naman si Ong bilang authorized representative ng Lucky South 99.
Base sa dokumento ng reapplication para sa lisensiya, si Roque rin umano ang head ng legal department ng Lucky South 99. Ibinasura ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang naturang aplikasyon ng kompanya.
Itinanggi ni Roque ang mga paratang at sinabing sinamahan niya lang si Ong dahil inakala niyang biktima ito ng estafa.
Sa ngayon, nasa Netherlands si Roque at may aplikasyon para sa asylum upang doon na manirahan.
Sa isang pahayag sa Facebook post, sinabi ni Roque na bahagi ng panggigipit sa kaniya ang naturang arrest warrant dahil sa pagiging loyalista niya sa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Isasama umano niya ito sa kaniyang aplikasyon sa asylum sa Netherlands.
"I will seek all available legal remedies to secure my life and liberty which are currentlu under threat," ani Roque.
"I reiterate: This is not flight as evidence of guilt but the exercise of a human right to asylum," dagdag niya. -- mula sa ulat ni Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA Integrated News

