Nabalian ng buto at posibleng maputulan ng isang paa ang isang tuta matapos na ibalibag at pagpapaluin ng isang lalaking lasing umano sa Pasig City. Ang suspek, nagpa-blotter pa sa barangay na kinagat umano siya ng tuta ngunit wala namang nakitang sugat.Sa ulat ni EJ Gomez sa 24 Oras nitong Huwebes, mapanonood sa video ang ginawang pagbalibag ng lalaki sa tuta na nangyari sa Barangay Santolan.Ayon sa may-ari ng tuta na si Riri,” hindi niya tunay na pangalan, pinsan niya ang lalaking nahuli-cam na nanakit sa kaniyang alagang si "Kikiam."Isinalaysay ng ilang saksi na nakainom ang suspek nang bigla na lang umanong manggulo sa lugar.Hindi na nahagip sa video ngunit bago ang kaniyang pagbalibag sa tuta, ilang beses pa niya umanong pinagpapalo ang hayop.“Tapos po sabi niya, ‘Ay nangangagat ka?’ Bigla niya pong pinaghahabol po ng tsinelas, hinampas-hampas niya po. Sinipa niya pa po ‘yun,” sabi ni Riri.“Masakit din kasi hinampas niya. Ang sakit-sakit, tapos naririnig, iniiyak. Napatabi na lang po siya sa isang gilid tapos hindi na makabangon sa sobrang hilo. Siyempre nanghina,” sabi naman ng isang saksi.Makalipas ang insidente, nagsumbong pa ang lalaki sa barangay na nakagat umano siya ng aso. Ngunit sinabi ng barangay na wala silang namataang kagat sa suspek.Dinala sa beterinaryo ang tuta at nakitang nabalian ng buto ang paa nito. “Kapag ‘di daw gumaling o nakuha sa gamot, baka putulin 'yung isang paa niya. Kasi may crack sa may buto,” saad ng saksi.Sinubukang ipatawag ang suspek sa barangay na isa umanong tricycle driver pero hindi siya sumipot. Itutuloy ng may-ari ng tuta ang pagsasampa ng reklamo.“Noong makita po nila 'yung tricycle, iba na po 'yung bumibiyahe. At ang sabi po ng tiyahin, wala na raw doon, umalis, nagtago. Nagpunta na po ng Pampanga,” sabi ni Ronaldo Cruz, Desk Officer ng Barangay Santolan.“Ito ay clearly acts of cruelty. Ito 'yung exact act na pinagbabawal ng Animal Welfare Act,” sabi ni Atty. Anna Cabrera, Executive Director ng Philippine Animal Welfare Society.Posibleng makulong ng isa hanggang dalawang taon ang mapatutunayang lumabag sa Animal Welfare Act. Nananawagan ang may-ari ng aso sa suspek na sumuko.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News