Hinuli ng mga residente ang isang lalaki matapos siyang mamukhaan ng tinderang biniktima na niya noon nang muli siyang magtangkang manalisi sa tindahan sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang CCTV ng sari-sari store sa Barangay 123 pasado 8 p.m. ng Biyernes, kung saan pinahuhuli ng may-ari ng tindahan ang isang lalaki.
Nanalisi umano sa kanila ang lalaki noong nakaraang Enero, at nagtangka na namang isahan ang may-ari.
Modus ng suspek na magpanggap na bibili ng instant noodles at mag-aabot ng P500.
Sa CCTV noong Enero, makikita na susuklian na sana ng tindera ang lalaki, nang biglang humirit ang suspek na magpaluto ng noodles.
Makikita sa malapitang anggulo ng CCTV na una nang ibinalik ng tindera ang ibinayad na P500 ng suspek. Ngunit sa isang iglap, agad itong pinalitan ng suspek ng P20 na pera.
Nalito ang biktima kaya nagbigay siya ulit ng P500.
Hindi na nakalusot ang suspek sa ikalawang pagkakataon.
“Namukhaan ko na siya. Pinahawak ko po sa mga kasama namin sa tindahan. Tapos po hindi ko na ibinalik ‘yung pera niya. Parang nag-recall sa utak ko ba ‘Yung paluto ‘te,’ sabi niya,” sabi ni Jennelyn Dela Cruz, may-ari ng tindahan.
Dinala agad sa barangay ang 25-anyos na suspek na residente ng kabilang barangay.
Umamin siya sa kaniyang nagawa, at sinabing nagipit lang siya at buntis ang kaniyang kinakasama.
“Nakalusot naman po, eh ngayon po, bumili po ulit ako. Ngayon hindi na po sinauli sa akin ‘yung P500 ko. Wala po kasing panggatas, wala po kasing panggawa ng tricycle kaya nagawa ko po ‘yun,” sabi ng suspek.
Desidido ang tindera na magsampa ng reklamo laban sa suspek, na nakatakdang i-turnover sa kaniyang barangay para sa case filing. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
