Nasawi ang isang lalaki na nanita umano ng mga kabataang nagra-riot, matapos siyang batuhin ng bote ng isa sa mga kasaling menor de edad sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang mga kabataan sa gitna ng kalsada sa bahagi ng Moriones Street Martes ng madaling araw.

Isang lalaking nakaitim mula sa center island ang tumawid sa kalsada. Ilang saglit pa, bigla niya na lang pinukol ng bote ang isang lalaki na agad namang tumumba.

Mabilis na tumakbo palayo ang nakaitim na menor de edad. Pagkaraan ng ilang minuto, nakita na sa CCTV na isinasakay na sa tricycle ang lalaking tumumba.

Sinabi ng barangay na malubha ang tama ng 41-anyos na lalaki.

“May pumunta dito na may reporting na namatay na 'yung biktima. Ang kuwento po nila, parang nabasag. ‘Yung impact po, tumama yata sa singit kaya sumirit 'yung dugo,” sabi ni Evangeline Catalon, ex-o ng Barangay 123.

Bago nito, sinita umano ng biktima ang mga kabataan na nagkukumpulan sa tapat ng kanilang bahay.
Isinuko ng kaniyang mga magulang ang menor de edad na nambato sa video.

“Una raw po siyang binato noon. Nakailag lang siya,” sabi ni Catalon.

Ngunit batay sa pag-review ng CCTV, walang nakita ang barangay na unang binato ng biktima ang mga kabataan.

Tumangging humarap sa camera ang mga kaanak ng biktima, ngunit isa sa sinisisi nila ang computer shop na nagiging ugat minsan ng away ng mga kabataan.

“Hindi po naiiwasan talaga. 'Yan na rin po 'yung sakit namin dito na lagi gabi-gabi, madaling araw, lagi kami nagsasaway diyan may riot. Kadalasan po riot talaga, ang number one,” sabi ni Catalon.

Kahit na may nag-iikot na pulisya sa lugar, nakakatiyempo ang mga kabataan na wala ng mga awtoridad sa oras na nagkakaroon ng riot.

Nasa kustodiya na ng DSWD ang menor de edad na lalaki. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News