Tinawag ng Department of Education (DepEd) na “fake news” ang post sa social media na nagsasabing magkakaroon ng dagdag na grade level sa senior high school.

Nitong Linggo, tinukoy ng DepEd ang Facebook post na may publication material na nagsasaad na may Grade 13 sa School Year 2025-2026.

Sa kasalukuyan, Grade 11 at Grade 12 lang ang mayroon sa basic education ng bansa sa senior high school.

“Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation. Para sa opisyal na mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa basic education, bisitahin lamang ang official DepEd Philippines social media accounts,” paalala ng DepEd.

Magsisimula sa June 16, 2025 ang pasukan sa darating na academic year at magtatapos sa March 31, 2026, na pagbabalik sa school calendar bago magkaroon ng COVID-19 pandemic.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News