Nagbabala ang Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na may multa ang pagtatakip sa plaka ng sasakyan para makaiwas sa huli sa paglabag sa batas-trapiko sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

“We admire the Filipino ingenuity, pero I am warning them na ang penalty for this is 5,000 (pesos) baka po magulat sila,” sabi ni MMDA Traffic Enforcement Group director Vic Nuñez sa press conference nitong Huwebes.

Ayon kay Nuñez, may inilabas nang memo para sa mga field personnel na ipaalam sa kanila ang mga motorista na gagawa ng naturang paglabag.

“Violation po iyan ng Traffic Code at ang multa po niyan is P5,000. Baka po hindi alam ng ating mga kababayan na ang multa po niyan ay mahal. Marami kaming na-monitor sa CCTV na nilagyan ng electrical tape, nilagyan ng masking tape,” dagdag niya.

Mula nang ipatupad ang NCAP ngayong linggo, may mga larawan na ipino-post sa social media na may mga plaka ng sasakyan na tinatakpan ng kung ano-ano gaya ng mga dahon, electrical tape, at iba pa.

Sa NCAP, maiisyuhan ng tiket ang motoristang lalabag sa batas-trapiko sa makikita sa pamamagitan ng closed-circuit television, digital cameras at iba pang gadgets o technology.

Ipadadala sa motorista ang kaniyang tiket, at maaari niya itong bayaran online o sa MMDA office. Maaari ding i-contest ang motorista ang natanggap na tiket sa itinalagang social media account ng MMDA.

Muling ibinalik ng MMDA ang NCAP sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila, matapos na alisin ng Supreme Court (SC) ang temporary restraining order (TRO) tungkol sa programa ng ahensiya.
Nananatili naman ang TRO sa NCAP ng mga lokal na pamahalaan ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News