Nahanap na ang babae na nakitang lumabas mula sa kanal sa Makati. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), bibigyan siya ng P80,000 halaga ng livelihood package.

Sa ulat ni Dano Tingcunco sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nahanap ng DSWD ang babae na itinago sa pangalang "Karla," sa tulong ng komunidad.

Matapos makausap si DSWD Secretary Rex Gatchalian, humarap si Karla sa media, at itinanggi na nakatira siya sa kanal.

Paliwanag niya, nalaglag ang cutter blade niya sa kanal na kaniyang kinuha. Nagulat na lang umano siya nang makitang maraming tao ang nakatingin sa kaniya.

Sa kaniyang takot, napatakbo siya.

"Nagulat ako ang dami nang tumingin sa akin dahil kinabahan ako. Pinilit ko lang kunin yung cutter blade ko po," paliwanag niya.

Dati umano siyang homeless pero nangungupahan na sila ngayon ng kuwarto ng kaniyang kinakasama na isang barker.

Nangangalakal naman ng mga puwede pang pakinabangan si Karla, gaya ng plastic bottle, kable, at iba pa.

Dahil pangarap niyang magkaroon ng tindahan, sinabi ni Gatchalian na bibigyan si Karla ng P80,000 halaga ng livelihood package upang makapagsimula siya ng sari-sari store.

Tutulungan din siyang makabalik sa pag-aaral sa pamamagitan ng alternative learning system dahil sa grade 2 lang ang inabot niya.

Ang kinakasama naman ni Karla, tutulungan na magkaroon ng welding machine para magkaroon din ng stable ng kita.

Ayon kay Karla, tumigil sila sa pagtira sa gilid ng kalsada dahil sa peligroso na ang panahon ngayon.

Pero mayroon umano siyang alam na mga taong nakatira sa drainage na malapit sa isang ospital sa Makati.

Hinikayat naman ni Gatchalian ang publiko na padalhan sila ng mensahe sa kanilang social media account kung may tao na kailangang tulungan sa ilalim ng kanilang "Pag-abot Program." --FRJ, GMA Integrated News