Inihayag ng state weather bureau na PAGASA na mararamdaman na ang malamig na panahon dahil simula na ng southwest monsoon season o Habagat. Ito na rin pa ang simula ng panahon ng tag-ulan? Alamin.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, inihayag ng PAGASA na humihina na ang epekto ng easterlies na nangangahulugan ng pagpasok ng panahon ng Habagat.
Gayunman, hindi pa ito ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa. Ayon sa PAGASA, maaaring ideklara ng rainy season sa susunod na dalawang linggo.
Pero dahil sa pagsisimula ng panahon ng Habagat, asahan umano ang madalas na pag-ulan lalo na sa kanlurang bahagi ng bansa.
“PAGASA will continue to monitor the weather situation of the country. The public and all concerned agencies are advised to take precautionary measures against the adverse impacts of the Habagat such as floods and rain-induced landslides,” saad sa naunang abiso ni PAGASA weather specialist Benison Estareja.
Sa weather forecast ng PAGASA ngayong Biyernes ng hapon, inaasahan na magkakaroon ng pag-ulan sa Sabado ng umaga sa malaking bahagi ng Luzon. Sa tanghali, maaaring makaranas ng pag-ulan sa buong bansa.
Sa Linggo, asahan ang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas. Pagsapit ng hapon, posibleng makaranas ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at halos buong Mindanao.
Asahan din pag-ulan sa Sabado at Linggo sa Metro Manila.— FRJ, GMA Integrated News
