Pinadukot, pinabugbog, at pinaholdap umano ng mga kalaban sa negosyo ang isang Indian national na bagsak presyo umanong magbenta ng mga panindang alahas. Ang biktima, nagsumbong sa San Juan police nang makalaya.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing lumitaw sa imbetigasyon ng pulisya na nagbebenta ng synthetic diamonds ang biktima sa isang shopping complex sa San Juan.
Dahil sa mura umanong magbenta ng alahas ang biktima, nagalit sa kaniya ang iba pang nagtitinda.
“Sinasabi po nila na naapektuhan po yung kanilang negosyo. Gawa ang biktima po ay nagbebenta ng sobrang baba ng mga synthetic diamond. Ito po ay nakakapekto nang lubha doon sa mga negosyo ng suspek,” said Police Colonel Deodennis Joy Marmol, San Juan Chief of Police.
Ayon kay Marmol, umupa ng mga tao ang mga negosyanteng suspek para dukutin ang biktima.
“Sinakay po siya sa kotse. Nung nasa loob po siya ng kotse, sinaktan po siya at pinagbantaan po na huwag ka nang babalik ng Pilipinas. Bukod po doon, kinuha po yung kaniyang mga personal na gamit, consisting po ng one million worth of synthetic diamonds na binibenta niya,” sabi ni Marmol.
Nang pakawalan ang biktima, sa halip na umalis ng Pilipinas, nagsumbong siya sa mga awtoridad. Nagsagawa naman ng imbestigasyon ang mga pulis hanggang sa matuntong ang kinaroonan ng mga suspek na goons.
“Naresolba po natin ito sa pamamagitan po ng record check po noong sasakyan na ginamit at saka po sa pag-backtrack po ng mga CCTV footage,” ayon kay Marmol.
Hindi muna binanggit ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Masaya naman ang biktima at mas ligtas na ang pakiramdam sa pagkakadakip sa mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News.
