Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang barilin ang kaniyang kaibigan na napagbintangan niyang naglagay ng tubig sa gas tank ng kaniyang tricycle sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing makaraan ang mahigit dalawang buwan, hirap pa ring kumilos si Rey Rey, 21-anyos, matapos mag-agaw buhay nang barilin umano ng kaniyang kaibigan sa bahagi ng Happyland noong Abril 5.
Sumailalim siya sa operasyon para makuha ang balang naiwan sa loob ng kaniyang katawan.
Sinabi ng biktima na napagbintangan siya ng kaibigan na nilagyan umano niya ng tubig ang gas tank ng tricycle nito.
“Magsasauli nga po kasi kami ng kariton ng mga barkada ko doon sa Aroma. Eh may nakapagsabi, may sumigaw na, ‘Uy si Saya o!’ ‘yun, bigla niya ako binaril sabay umalis kaagad po. Siyempre po, mahirap na. Hindi ko na magawa 'yung makadiskarte, 'yung mangalakal, kasi nga bawal ako magbuhat,” sabi ni Rey Rey.
Makalipas ang pamamaril, nagtago sa Bulacan ang akusado, pero muling bumalik sa Tondo makaraan ang ilang buwan.
Doon na siya nahuli ng mga awtoridad sa bisa ng isang warrant of arrest para sa kasong frustrated murder.
Ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Christopher Baybayan, Station Commander ng MPD 2, mayroon na ring naunang kaso ng robbery-snatching ang akusado noong 2017.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, noong gabi bago maganap ang pamamaril, nagtalo na umano ang dalawa nang pagbintangan ng akusado ang biktima na ninakaw nito ang P700 na nakaipit sa kaniyang damitan.
Naki-charge noon si Rey Rey sa bahay ng akusado.
Ayon kay Baybayan, nagbanta ang biktima na sisirain niya ang motor ng akusado.
Depensa ng biktima, hindi siya ang nanira ng tricycle ng kaibigan, kundi ang dalawang lalaki na nagba-boundary. Ngunit umamin sa pamamaril ang akusado.
“Nasira 'yung motor ko, nilagyan ng tubig. Siya 'yung parang nagdilim 'yung [paningin] ko sa kaniya kaya ako po nagawa 'yun. First time lang po. Hindi ko nga po sukat akalain na puputok po 'yun eh. Sana mapatawad niya ako. Hindi ko rin po talaga ginusto ‘yun,” sabi ng akusado.
Ayon kay Rey Rey, pinatawad na niya ang kaibigan pero nagdadalawang isip pa siya kung iuurong niya ang kaso. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News
