Matapos maghiwalay, lumala ang bangayan sa social media ng dating magkaalayado sa pulitika na sina US President Donald Trump at Tesla CEO na si Elon Musk.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagbanta si Trump na puputulin nito ang mga kontrata ng gobyerno sa mga kompanya ng bilyonaryong si Musk.
Habang si Musk, ipinahiwatig na dapat ma-impeach si Trump na tinawag din niyang ingrato na hindi umano mananalo sa pagka-presidente kung hindi dahil sa kaniya.
Nagsimula ang bangayan nang batikusin ni Trump si Musk sa Oval Office. Makalipas lamang ang ilang oras, naging lantaran na sa publiko ang balitaktakan ng dalawa sa kani-kanilang mga social media platform — na Truth Social kay Trump at X na dating Twitter kay Musk.
"The easiest way to save money in our Budget, Billions and Billions of Dollars, is to terminate Elon's Governmental Subsidies and Contracts," saad ni Trump sa kaniyang post sa Truth Social.
Kasunod nito, bumagsak ang halaga ng Tesla sa stock market na nabawasan ng 14.3% ang stock price, na katumbas ng humigit-kumulang $150 bilyon sa market value, ang pinakamalaking pagbagsak sa kasaysayan ng kompanya.
Pagkatapos ng trading hours, sumagot si Musk ng “Yes” sa isang post sa X na nagsasabing dapat ma-impeach si Trump. Pero kontrolado ng mga kapartido ni Trumb sa Republican ang Kongreso kaya maliit ang posibilidad ng impeachment.
Nagsimulang lumalala ang iringan ng dalawa nang tutulan ni Musk ang panukalang batas ni Trump tungkol sa malawakang tax cuts at paggastos. Ayon kay Musk, masyado itong magpapalala sa utang ng bansa na kasalukuyang nasa $36.2 trilyon.
Binasag ni Trump nitong Huwebes ang pananahimik sa pahayag ni Musk, at sinabi sa mga mamamahayag sa Oval Office na "very disappointed" siya sa bilyonaryo.
"Look, Elon and I had a great relationship. I don't know if we will anymore," ani Trump.
Sinagot naman ito ni Musk sa X, at inihayag na, "Without me, Trump would have lost the election. Such ingratitude."
Halos $300 milyon ang ginugol ni Musk bilang suporta sa kandidatura ni Trump at iba pang Republican candidates sa nagdaang eleksyon noong 2024.
Sa isa pang post, binatikos ni Musk ang mga taripa na ipinatupad ni Trump, na magtutulak umano sa US sa resesyon ngayong taon.
Bukod sa Tesla, hawak ni Musk ang SpaceX at Starlink, na kapwa may kontrata sa gobyerno ng US.
Dahil sa banta ni Trump, sinabi ni Musk na sisimulan na niyang i-decommission o ihinto ang paggamit ng Dragon spacecraft ng SpaceX — ang tanging US spacecraft na kayang magdala ng astronaut sa International Space Station.
Pero makaraan ang ilang oras, umatras si Musk sa kaniyang banta. Sa isang post sa X bilang tugon sa isang follower na nagmungkahing magpalamig muna sila ni Trump, sinabi ng bilyonaryo na, "Good advice. Ok, we won't decommission Dragon."
Sa hiwalay na post, sinabi naman ni Musk na “You’re not wrong” bilang tugon sa negosyanteng si Bill Ackman na nagmungkahi na dapat magkaayos sila ni Trump.
Hindi na ikinagulat ng ilang tagamasid ang naging mainit na bangayan ng dalawa dahil pareho silang kilala sa pagiging palaban sa pulitika at sa social media.
Bago pa man lisanin ni Musk ang pamahalaan isang linggo na ang nakalipas, unti-unti nang humina ang impluwensiya ng bilyonaryo dahil sa pakikipagtalo niya sa ilang miyembro ng Gabinete bunsod ng hinawakan niyang Department of Government Efficiency, na misyon na bawasan ang gastos at empleyado ng pamahalaan. -- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News
